[#20 ]Karuwagan Lamang

in life •  10 months ago 

karuwagan.jpeg
Sa dinami-dami na ng mga nakasalamuha ko, 'yong mga may pinagdadaanan sa buhay ang kadalasang tumatatak sa 'kin. Iba-ibang karanasa't pinanggagalingan. Isa sa mga salaysay na nalulungkot akong pakinggan ay iyong mga kwento ng panghihina ng kalooban gawa ng pambubully at pang-aapi sa kanila. Kanina lamang sa aking paglalakad, nasaksihan ko sa malayo ang ganitong pangyayari at sadyang nakakapanlumo. At 'yon ang nag-udyok sa 'kin upang ipahayag sa pamamagitan ng mga titik ang aking saloobin.

Wala akong karapatang manghusga, pero sa pagkakaalam ko, kahit ano o saan pa man ang narating natin sa buhay, hindi iyon lisensya upang maging mapangmata tayo. Ang pambubully ay karuwagan at ang bully ay isang malaking duwag. Caridad, ito ang rekwisito natin sa ninanamnam nating pagpapala, hindi ang titolo o materyal na karangyaan.

Hindi tayo pare-pareho ng kalakasan at hindi rin lahat ay pinagtibay ang loob sa kadahilanang biniyayaan sila ng malakas na 'support system' simula pa ng pagkabata nila. Nawa'y magtulungan tayong bumuo ng isang mundong may pagmamalasakit sa isa't isa nang makapag-contribute din tayo kahit papa'no sa paghilom ng mga sugat ng ating kapwa-tao, mga sugat na di natin nakikita at pilit na ikinukubli. Nang sa gayon ay malaya rin silang makakapamuhay nang walang takot, at gaya ng mga damo at puno sa bundok ay 'makakapagsayaw' sa buhay nang may buong kalayaan.🌿

Authors get paid when people like you upvote their post.
If you enjoyed what you read here, create your account today and start earning FREE BLURT!